|
CHAPTER FOUR KASAMA sa mga plano ni Chae-rin, upang mahanap niya ang tunay niyang ina, ang baguhin ang kanyang itsura. Sa paraang iyon, hindi siya makikilala ng mga taong makakasalubong at makakasalamuha niya. Nagsusuot na siya ng reading glasses na walang grado. Naglalagay rin siya ng pekeng nunal malapit sa kanang bahagi ng pang-itaas niyang labi. Nagsusuot din siya ng baseball cap para maitago ang mahaba niyang buhok. Napagkakamalan nga siyang tomboy. Lalo pa ang suot niya ay laging T-shirt, maong na pantalon at rubber shoes. Malaya na siyang nakakagala kapag may nakakakilala sa kanya, sinasabi niyang kamukha lang niya si Chae-rin Kim. Kung dati ay hindi siya masyadong nagsasalita kapag may kumakausap sa kanyang kapitbahay o sino mang nakakasalubong niya dahil kaunti lang ang alam niyang Tagalog, ngayon fluent na siyang magsalita ng national language ng Pilipinas. Madali lang talaga siyang matuto ng ano mang lengguwahe basta ba turuan lang siya. Maraming salamat kay Trisha na matiyagang nagturo sa kanya. She’s not only linguistic but also naturalistic. Sa loob ng mahigit isang buwan na pamamalagi niay sa bahay ng mga Lastimoso, sanay na siya sa piling ng mga ito. sanay na siyang gumawa ng mga gawaing-bahay. Natuto na rin siyang magluto ng ilang pagkaing Pinoy. Kumakain na rin siya ng mga iyon. Nasanay na rin ang panlasa niya sa mga iyon. Nakalimutan na nga niya ang paborito niyang Korean food na galbi jjim o ang steamed beef short ribs. Sinigang na bangus na ngayon ang gusto niya. Sabi nga ni Mang Tony, ang padre de pamilya, kasinggaling na niyang magluto ang yumaong asawa nito. Salamat uli kay Trisha sa walang-sawa nitong pagtuturo sa kanya. Okay na ang lahat. Ang problema lang niya talaga ay walang iba kundi si Terence. Hindi niya maintindihan ang ugali nito. Minsan suplado, minsan mabait din naman. Tinutulungan pa nga siya nito sa paghahanap sa tunay niyang ina. But most of the time, sinusupladuhan siya nito. Hindi rin niya maiwasang tarayan ito minsan kaya naman ay nagkakatampuhan sila. Pero hangang-hanga siya sa katalinuhan nito. Scholar ito ng UE. Sports columnist rin ito ng Dawn, ang official student newspaper ng university. At vice president pa itong University of the East Mathematics and Statistics Society o UEMSS. Graduating na ito sa kursong Civil Engineering at running for cum laude. At naniniwala siya na makukuha nito ang karangalang iyon. Hindi rin niya ikinakailang humahanga siya sa pisikal nitong anyo. He was very manly. Sa kilos, galaw at pananalita nito ay lalaking-lalaki ito. matangkad sa kanya ito ng dalawang pulgada. Kung sa musika, nasa tono ang katawan nito. Ilang beses na rin niyang nakitang wala itong pang-itaas nang hindi siya naiilang. Contrarily, she wanted to touch his body. Pinapagalitan nga niya ang kanyang sarili kapag naiisip niya iyon. Inaamin niya, crush niya ito. sinong babae ba naman ang hindi magkaka-crush sa isang napakatalino, guwapo at matatawag na hunk? Pero naisip din niya na kung crush niya ito, marahil siya lang ang nakakadama niyon. Ibig sabihin, hindi mutual ang feelings nila sa isa’t isa. Alam niya kasing may girlfriend ito. Si Eunice. Madalas din kasing mainit ang ulo nito sa kanya. Alam naman niya na minsan ay may kasalanan din siya pero kadalasan ay nagagalit ito sa kanya kahit wala siyang ginagawang mali. Bigla na lang siyang pinag-iinitan nito kahit walang dahilan para gawin nito iyon sa kanya. Iniisip lang niya ang mga tulong na ginagawa nito sa kanya mula sa simula para maibsan ang galit niya rito at tuluyan na ring mawala iyon. NAGBABASA si Terence ng libro nang sumagi sa isip niya si Chae-rin. nawala tuloy ang konsentrasyon niya sa ginagawa. Dumako ang mga mata niya sa botanical garden na sakop ng Tan Yan Kee Park kung saan siya naroroon. Kasingganda ng mga bulaklak na iyon si Chae-rin. Si Chae-rin na sa umpisa pa lang ay kinaiinisan na niya. Nagkataon kasing may problema siya nang una sila nitong nagkita. Hindi pa naman natapos ang araw na iyon nang nawala ang inis niya rito. Lalo pa nang mapahiga ito sa balikat niya habang sakay sila ng bus. Anuman ang gawin nito, anumang ekspresyon ng mukha nito, maganda pa rin itong tingnan. Ito na yata ang pinakamagandang babaeng nakita niya sa buong buhay niya. Pero si Eunice. Si Eunice ang babaeng mahal na mahal niya. Bakit kaya hindi ito nagre-reply sa mga text niya? Nakabili na siya ng bagong cellphone noong isang lingo pero nanghihinayang pa rin siya sa cellphone na kinuha ng hold upper na iyon. Naalala na naman niya ang katangahan niya. Hindi niya kasi nakuha ang plate number ng taxi na minamaneho nito. Kahit luma na ang unit ng bago niyang cellphone, okay lang. Ang mahalaga, may communication sila ni Eunice. Ngunit ano naman ang silbi niyon kung hindi naman ito nagre-reply sa mga text niya at hindi na rin nito sinasagot ang mga tawag niya? Maging sa pinadala niyang e-mails dito ay wala itong sinagot ni isa. At nitong huli, nang i-dial niya ang number nito, hindi na iyon nagri-ring. Ulila na si Eunice kaya wala siyang mapagtanungan kung ano na ang nangyari rito. Noong nag-aaral ito ay nagbo-board din ito at ang tiyahin nito na kapatid ng ama nito ang nagpapadala ng pera para sa tuition at allowance nito. Ang mga kaibigan at iba pang kamag-anak nito ay wala ring balita rito. Hindi naman niya alam ang contact number ng tiyahin nito kaya wala siyang mapagtanungan. Unang pumasok sa isip niya ay baka may ibang boyfriend na si Eunice sa Korea. Pero dinadalangin niya na sana ay wala. At kung sakali man, hindi niya alam kung bakit, parang handa na niyang tanggapin. Ano nga ba ang dahilan? O mas tamang sabihing ‘sino nga ba ang dahilan?’ Ewan nga ba niya. Muling pumasok sa isip niya si Chae-rin. Kung hindi naman talaga siya naiinis dito, bakit patuloy niya itong pinag-iinitan at inaaway kahit wala naman itong kasalanan? Gusto na niyang ipakita na hindi na siya naiinis dito pero bakit hindi niya magawa? Ano ba ang nangyayari sa kanya? Naaawa siya rito. Kaya pala nandito ito sa Pilipinas ay para hanapin ang totoo nitong ina. May nanay rin siya pero sumakabilang-buhay na. Alam niya ang pakiramdam ng nangungulila sa isang ina. Kaya tinutulungan niya ito sa paghahanap. “What is the first thing you want to do if you found your mother?” naalala niyang tanong niya rito minsan. “I will ask her why did she left me. And I will hug her tight before she could answer my question,” naiiyak na sabi nito. Dahil wala pa man, naiintindihan na raw nito ang isasagot ng ina nito kahit ano pa raw iyon. Gusto niya sanang yakapin ito nang mga oras na iyon pero pnigilan niya ang sarili. Itiniklop niya ang binabasa niya kaninang libro at tumayo. Bumuntong-hininga siya nang malalim. “I want to see her,” bulong niya. ALAS-SIYETE ng gabi na nang makauwi si Terence. Hapon na kasi siya nakasakay. Hindi inaasahan ng lahat ang pag-uwi niya kaya naman ay medyo nagulat ang mga ito. Si Chae-rin kaagad ang hinanap ng mga mata niya. Katabi ito ni Ronan. At nasa tapat ng mga ito si Trisha. Naglalaro ang mga ito ng chess. Marahil ay tinuturuan ni Ronan si Chae-rin kaya nasa tabi ito ng dalaga. Alam niya kasing magaling na si Trisha sa chess. Laging champion si ito sa larong iyon. Nawala ang ngiti sa mga labi niya nang makita niyang nagkukulitan ang magkatabi pagpasok niya. Hindi na siya nakapagkatok sa pinto sa sobrang excitement na makita si Chae-rin. “O, anak, napauwi ka,” anang Itay niya. Nanonood ito ng balita sa TV. Nagmano siya sa ama. “Ah… eh… Itay, m-may importante akong kukunin. Kailangan sa school, eh.” Pilit siyang ngumiti. “P-para sa school paper.” “Dapat sumabay ka na sa akin kanina. Sabi mo kasi hindi ka uuwi, eh,” si Ronan. “Hindi ko naman inakala na uuwi ako ngayon, eh. Ibig kong sabihin, alam mo na, nagiging makakalimutin na ako ngayon. Marami kasi akong ginagawa.” Tama ba ang sinabi niya? “Kumain ka na?” tanong ni Chae-rin. hindi pa rin siya masyadong sanay na nagta-Tagalog ito. “Hindi pa.” “Kung gano’n, kumain na tayo. Sabay-sabay na tayong kumain. Mamaya n’yo na ipagpatuloy ‘yang paglalaro. Ronan, dito ka na lang maghapunan,” yaya ni Mang Tony. “Ah, hindi na ho,” tanggi nito. “Uuwi na ho ako. May darating ho kasing bisita ngayong gabi sa bahay, pinsan ni Mommy.” Tumayo ito. Mabuti naman, sa isip niya. Umuwi ka na nga. Bilisan mo! ‘Gano’n ba? Eh, ‘di sige. Mag-ingat ka na lang,” paalala ni Mang Tony. “Ikumusta mo na lang kami sa pinsan ng Mommy mo.” “Sige ho. Charlene, next time uli.” Humawak ito sa balikat ng dalaga. O, nantsansing pa! Uwi na! “Sige na, pare. Baka nando’n na ang bisita n’yo.” Inakbayan niya ito at iginiya palabas. Muling nagpaalam si Ronan sa lahat bago tuluyang umalis. “Mukhang nakakahalata na ako sa ‘yo Kuya, ah. Minamadali mo ‘atang umalis si Kuaya Ronan,” puna ni Trisha. Ano na naman ba ang nangyayari sa kanya? Kaya nga siya umuwi para makita si Chae-rin pero ngayong nandito na siya at kaharap ito, bakit gusto niyang umalis na kaagad? Dahil ba nakita niyang nakipagkulitan ito kay Ronan? Si Ronan, kaibigan niya. Galling ito sa mayamang pamilya pero second family ito at ang ina nito ng daddy nito. Nakatira ito sa kabilang kalye, sa isang malaking bahay roon. Ilang minuto lang naman ang layo niyon sa bahay nila. Kilala niya si Ronan. Hindi niya ito kaklase pero magkaibigan sila nito since first year high school. Nang nangailangan ito ng tutor sa Math, nag-apply siya. He graduated as a salutatorian in high school and rewarded as best in Mathematics. Magkaedad sila nito pero third year college pa lang ito ngayon dahil huminto ito kahit may pampaaral naman. Mabait ito sa mabait kaso napaka-playboy nito. Certified playboy. Baka nagkakagusto na ito kay Chae-rin at paglalaruan lang nito ang damdamin ng huli. Hindi iyon maaari. Hindi siya papayag. “Excuse me,” wika ni Chae-rin at tumungo sa kusina. “Teka lang, magbibihis muna ako. Ako na ang maghahain.” Pagkarinig ng dalaga sa sinabi niya ay napahinto ito. “No. Ako na,” prisinta nito. Itinapon niya ang knapsack niya sa sofa at tumungo sa kusina. Naghain siya at at inihanda na rin ang mesa. Tahimik lang siyang pinanood nito. Hindi sila nag-imikan nito habang kumakain. MASAYANG kumakanta si Chae-rin nang umagang iyon ng Linggo habang nagpaplantsa ng mga damit na susuotin nila para sa pagsimba. Silang dalawa na lang ni Terence ang hindi pa nakakapagsimba. Nauna na kanina sina Trisha at mang Tony sa first mass. Tiyak na bumiyahe na ang huli pagkatapos ng unang misa. Si Trisha marahil ay gumala pa kasama ng barkada nito kaya hindi pa umuuwi. Sa ikalawang misa sila a-attend ni Terence. Isang oras ang pagitan niyon sa first mass. Say you love me, I’ll be your friend Always be here to stay with you Uh neu soon gan ae Hemang imodoo salajigo Dashi il uh sulsoo upseul manhimidilddae Onjalaneun wae roolsok aesulgo shipojilddae Eungae nanae gaehimeu jugoyong kireuljootgeu… Stay With Me. Iyon ang pamagat ng kinakanta niya. It was sung by Eugene, one of Korea’s hottest pop star and also a popular actress, the lead female star in Save The Last Dance For Me, Loving You, Wonderful Life and I Really, Really Like You. Bago pa siya naging sikat, idol na niya ito. Gusto niya ang kantang iyon. Ayon sa kanta, sometimes the girl lose her hope. When she became too tired that she can’t even get up and when she wanted to cry in loneliness, he gave her the strength ang courage to continue living. Her mind said not to forget him because he always watches over her. I will love you forever Stay with me… Uumpisahan na sana niya ang verse two ng kanta nang iluwa ng pinto ng banyo si Terence. Tulad ng dati, nakatapi lang ito ng tuwalya. Kahit ilang beses na niyang nakita ito na nakaganoon tuwing pagkatapos nitong maligo, naiilang pa rin siya at mabilis na tumitibok ang puso niya. Hindi na niya itinuloy ang pagkanta at umiwas dito ng tingin. Nasa pagpaplantsa na lang niya ang kanyang konsentrasyon. “Maganda pala ang boses mo,” puri nito sa kanya nang dumaan ito sa harap niya. “Thank you,” sabi niya nang hindi man lang sumulyap dito. “Ihatid mo sa kuwarto ang susuotin ko pagkatapos mong plantsahin.” Ngayon lang niya napansing polo na nito ang pinaplantsa niya. Pagkatapos niyang plantsahin iyon at ang pantalong maong nito ay kaagad siyang pumasok sa kuwarto nito. Gulat na gulat siya nang makitang kasusuot lang nito ng briefs. Nabigla rin ito sa bigla niyang pagpasok. Bukas kasi ang pinto ng pihitin niya ang seradura niyon. Hindi rin siya nakapagkatok. Ewan nga ba niya. Mabuti na lang at tamang-tama na natapos nito ang pagsusuot nang pumasok siya. Kung hindi ay baka nakita niya “iyon.” Natutop niya ang bibig para pigilan ang pagsigaw. Ang isang kamay niya ay itinakip niya sa mga mata niya. “Ano ba?! Hindi ka ba marunong kumatok?” sigaw nito. “Sorry.” “Ano pa ang hinihintay mo? Alis na,” pagtataboy nito. Iniiwas niya ang mukha niya at in-extend ang kamay niyang may hawak na polo at maong nito na pawang naka-hanger. Nang abutin nito iyon ay mabilis siyang lumabas. Napasandal siya sa pinto ng kuwarto pagkatapos niyang isara iyon. Napahawak din siya sa dibdib at napatingin sa itaas. Damang-dama niya nag mabilis na pagtibok ng puso niya. MAY BUMUSINANG sasakyan habang naglalakad sina Chae-rin at Terence patungo sa kanto. Sabay nilang nilingon iyon. Si Ronan ang bumubusina ng kotse nito. Huminto ito sa tapat nila. “Magsisimba rin ba kayo?” masiglang tanong nito. “Y-yeah,” sagot niya. “Sakay na. sabay na tayo,” yaya nito. Nagpasalamat siya kay ronan bago pumasok sa backseat. Si Terence naman ay parang wala sa loob na sumakay. Sa likod din ito pumuwesto. ‘Pare, hindi ka yata umiiimik d’yan,” puna rito ni Ronan. “Wala, pare. May iniisip lang ako,” seryosong wika nito. “Problema? Hindi yata ako sanay na nakikitang ganyan ka kapag may problema. Dati naman hindi halata sa itsura mong nag-aalala ka kapag may problema ka,” nangingiting wika ni Ronan. Hindi na uli nagsalita si Terence. Nagtatakang tiningnan niya ito. PAGKATAPOS ng misa, niyaya sila ni Ronan na kumain sa labas. Hindi siya tumanggi. Ganoon din si Terence. Nahahalata yata niya na parang sumusunod lang ito sa gusto niya. Pero wala naman sa loob nito ang pagsang-ayon. What’s happening with this man? Sa KFC sila dinala ni Ronan. “Ano’ng gusto n’yo? Ako na ang pipila. Huwag kayong mag-alala, sagot ko. Total, ako naman kasi ang nagyaya.” “Spaghetti ‘yong sa ‘kin. Ikaw?” tanong niya kay Terence. “’Yon na rin. Spaghetti.” Heto na naman ito, ginaya na naman ang gusto niya. “I thought you don’t like spaghetti. Sinabi mo sa ‘kin dati ‘yon, ‘di ba?” Naalala niya iyon. “Oo nga naman, pare,” sang-ayon ni Ronan. “Noon ‘yon, hindi. Pero ngayon, gusto ko na. Lahat naman posibleng magbago, hindi ba?” Nakatingin ito sa kanya. Tila may laman ang sinabi nito. Matagal na tumingin ito sa kanya. At nababasa niya sa mga mata nito na may iba itong ibig sabihin. Tama ito, may mga bagay na hindi mo gusto noon na posibleng magustuhan mo na rin pagdating ng panahon. Parang sa tao rin. may mga taong hindi mo gusto sa umpisa pero matututunan mo ring gustuhin sa huli. Tulad niya. Alam niyang hindi siya nito gusto pero puwede pang magbago ang lahat, hindi ba? Posible iyon. Iyon na nag clue. Iyon na sana ang ibig nitong sabihin. I hope, hiling niya.
Add as favourites (6) | Quote this article on your site | Views: 254
Only registered users can write comments. Please login or register. Powered by AkoComment Tweaked Special Edition v.1.4.6 AkoComment © Copyright 2004 by Arthur Konze - www.mamboportal.com All right reserved |