Province News

Typhoon ‘Frank’ ravaged Antique with P306,155,904 damages in Agriculture

Wednesday, 02 July 2008 | Philippine Information Agency

San Jose, Antique –  Typhoon ‘Frank’ ravaged Antique’s agriculture, crops, fisheries, poultry and livestock in the amount of P306,155,904.00 as it devastated other properties, infrastructure and left thousands of families homeless and in grief over missing and dead...
+ Full Story

More News
My Unforgettable Girl Print E-mail
Posted by Mark Aldeme Demetrio Siladan   

(This story is purely fiction.)

      NAKITA ko siya na nakaupo sa upuang kahoy sa ilalim ng punong narra na iyon. Ang mga lumang dahon ng puno ay naglalaglagan habang ang iba naman ay sumasayaw, sumasabay sa ihip ng hangin. Ang asul na langit ay napakalinaw. Ang ganda ng sikat ng araw na ang liwanag ay dumadaan sa maliliit na espasyo sa pagitan ng mga dahon ng puno hanggang sa marating nito ang mahaba at napakaitim niyang buhok kaya lalong nadagdagan ang pagkakintab niyon.
     Nagbabasa siya ng libro. Marahil isa iyong nobela o hindi kaya ay isang inspirational book. Siguro ay napakahilig niyang magbasa. At mukhang malungkot ang istorya ng binabasa niya dahil kanina pa ako nakatingin sa kanya, hindi ko man lang siya nakitang ngumiti kahit isang saglit.
     Gusto ko siyang lapitan. Gusto kong makipagkuwentuhan sa kanya pagkatapos kong malaman ang pangalan niya. Siguro masarap siyang kausap. Dahil sa mahilig siyang magbasa, marami siguro siyang maikukuwento sa akin. Sana magkakilala na kami. Pa'no naman kasi, isa akong mahiyaing nilalang. Gusto ng puso ko na lapitan siya pero ang mga bahagi naman ng katawan ko na tanging makakagawa lang ng aksiyon para makalapit sa kanya ay parang nakadikit sa lupa at ayaw matanggal.
     Gusto ko talagang makilala siya ngayon dahil naisip ko na baka bukas ay wala na siya rito. Baka isang araw lang siyang magbabakasyon dito dahil may dinalaw lang na kakilala. Baka may trabahong nag-aabang sa kanya sa siyudad at kailangan na niyang umalis kaagad. Baka...
     Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ko. Isang hakbang ang ginawa ko pero naibalik ko ang paang iyon sa dati nitong puwesto. Nahihiya talaga ako. Kinakabahan. Ipinikit ko ang aking mga mata at muling bumuntong-hininga nang malalim. Handa na ako... handa na ako. Handang-handa na ako.
     Ngunit pagbukas ko ng aking mga paningin, naglalakad na siya patungo sa kung saan, bitbit ng kanan niyang kamay ang librong binabasa niya kanina.
     Sa wakas ay naihakbang ko rin ang mga paa ko. Mabilis pa iyon dahil gusto kong makalapit kaagad sa kanya. Bakit kasi kailangang mangyari pa na makaalis siya bago ko naihakbang ang mga paa ko? Hindi na bale. Basta ang importante, nagawa ko nang lumapit sa kanya.
     “Teka!” Kung kinakabahan ako, uutal-utal kong nasabi ang salitang iyon. Pero hindi. Diretso ko iyong nasabi dahil nagkaroon ako bigla ng lakas ng loob.
     Tumigil siya sa paglalakad at lumingon sa akin. Parang bumagal ang oras at dahan-dahang nagyayari ang lahat.
     “Bakit? May maitutulong ba ako?” Bumalik sa dati ang lahat nang magsalita siya. Hindi ako makapaniwalang magkaharap na kami ngayon, malapit sa isa't isa.
     “Ah... eh... w-wala. W-wala...” Hayan na. Nagsisimula na naman akong kabahan. Nabubulol na ako, hindi na diretso ang pagsasalita ko.
     “Kung gano'n, ba't mo 'ko sinusundan?” seryoso pa ring tanong niya.
     “G-gusto ko sana... Gusto k-ko s-sanang...”
     “Gustong ano? Puwede ba, diretsahin mo na ako? Marami pa akong gagawin,” naiinis niyang sabi.
     “P-pasensiya na. S-sige na... tumuloy ka na. B-baka nakakaistorbo ako. S-sorry...”
     Hindi na siya nagsalita. Saglit lang niya akong tiningnan nang tahimik at saka nagtuloy sa paglalakad.
     Malungkot ako dahil nagalit siya pero masaya na rin dahil nakausap ko siya. Mas nangibabaw ang kasiyahang nadarama ko sapagkat nakalapit ako sa kanya at nagkapalitan kami ng salita kahit ang tono ng pananalita niya ay seryoso at nahaluan ng galit. Walang anuman iyon sa akin.


NAGTATRABAHO ako bilang janitor sa isang public elementary school sa aming bayan. Hindi na kasi ako nakapagtapos ng kahit high school man lang. Third year lang ang inabot ko. Kulang kasi sa budget si Itay. Nagkasakit pa noon si Inay, sinumpong ng asthma, at kailangang dalhin sa ospital. Nangutang pa noon si Itay ng pambayad sa ospital. Pero sa kasamaang palad, naulila ako sa ina isang taon na ang nakararaan. Labis akong nalungkot. Lalung-lalo na si Itay. Tatlong buwan ang lumipas nang yumao si Inay, umalis na rin si Itay patungo sa isang masayang mundo. Doon, natitiyak ko, magkasama na sila muli ni Inay.
     Nang hapong iyon, tumungo ako sa palengke upang mamili ng lulutuin para sa hapunan. Mula sa malayo, sa dinami-dami ng taong naroroon, ang maganda niyang mukha ang nahagip ng mga mata ko. Hayun siya, bumibili ng gulay. Nagpasalamat ako dahil nandito pa rin siya sa bayan namin.
     Ang mga mata ko ay ayaw humiwalay sa kanya. Gustung-gusto ng mga iyon na titigan siya. Humanap ako ng magandang lugar kung saan makikita ko siya nang maayos at medyo malapitan. Kahit saan siya pumupunta, sinusundan ko siya ng tingin. Ano ba ang nagyayari sa akin?
     Bukod sa akin, nay isang lalaki na sumusunud-sunod sa kanya. Ang kaibahan lang namin, malapit ito sa kanya, nasa likuran niya. Kahina-hinala ang anyo nito. Mukhang may gagawin itong masama sa kanya. At hindi nga ako nagkamali.


PAANO ko nga ba isasauli ang wallet niya? Naunahan na naman kasi ako ng hiya. Pero baka kailangan na niya ito. Siyempre naman. Nasaan ba siya ngayon at ano'ng ginagawa niya? At mukhang kailangan na nga niya ito ngayon.
     Napansin kong may hinahanap siyang mabuti sa kanyang bulsa. Mukhang magbabayad na siya at wala ang lalagyan kung saan naroroon ang pera niya.
     “I-ito ba ang hinahanap mo?”
     Pagkasabi ko niyon ay nilingon niya kaagad ako. Medyo nagulat siya pagkakita sa akin. Nabigla ko kaya siya?
     “Salamat,” sabi niya pagkatapos kunin sa kamay ko ang wallet niya. Kaagad siyang nagbayad sa ale at binitbit ang naka-plastic na mga ponkan.
     “M-mabuti at n-naabutan ko ang dumukot sa wallet mo.”
     “Maraming salamat.” Kumunot ang noo niya nang may napansin sa mukha ko.
     “W-wala 'to... O-okay na ako.” Alam kong ang pasa ko sa mukha ang napansin niya kaya inunahan ko na siya.
     “Pasensiya na. Napaaway ka pa tuloy.”
     “Balewala ito,” nakangiti kong sabi. Gumaan na ang loob ko sa kanya. Nawala na ang hiyang bumabalot sa pagkatao ko.


ANG ASUL na kalangitan ay unti-unting nagiging itim nang hapong iyon nang sumunod na araw. Mula sa kung saan, may narinig akong tunog ng isang instrumenrong pang-musika. At habang papalapit ako sa pupuntahan ko, mas lalong lumalakas ang tunog na iyon.
     Wow! nasabi ko sa sarili ko nang makita ko siya. Tumutugtog kasi siya at at magaling siyang tumugtog ng instrumentong iyon. Dito pala nanggagaling ang tunog ng gitarang naririnig ko.
     Napapikit pa siya habang tumutugtog. Hindi ko alam kung ano ang title ng tinutugtog niya pero maganda iyon. Masarap pakinggan. Kaya naipikit ko na rin ang mga mata ko.
     “Uy, nandiyan ka pala.”
     Kaagad kong iminulat ang mga mata ko pagkarinig ng boses niya.
     “O-oo.”
     “Ikaw, ha, hindi mo man lang ako sinabihan.” Sumilay ang ngiti sa mga labi niya. Mas lalo siyang gumanda sa ginawa niya. “Kanina ka pa?”
     “Medyo,” nakangiti kong sabi. “Tapos ka na bang tumugtog? Baka tumigil ka lang dahil nakita mo ako.”
     “Hindi, ah. Tapos na.”
     “Ah... siya nga. Kasi sa pandinig ko parang hindi natatapos ang mahusay mong pagtugtog.”
     “Ows?” Hindi makapaniwalang wika niya.
     “Oo naman! Ang galing mo kasing tumugtog ng gitara.”
     “Masakit pa rin ba ang pisngi mo?” Iniba niya ang usapan.
     “ Mabuti na. Puwede nang suntukin uli.”
     Natawa siya. Ang halakhak niya ay parang musika sa pandinig ko. Masaya at totoo. Masaya ako dahil napatawa ko siya, napasaya. Wala akong nagawa kundi sabayan siyang humalakhak.
     “Ikaw talaga! Uy, salamat nga pala sa paghatid mo sa akin kahapon, ha? Hindi na tuloy ako nakapagpasalamat.”
     “Kahit hindi na. Sana nga hindi na dahil baka hindi na 'yon maulit.”
     “Nanininiwala ka do'n?”
     “'Yon ang sabi nila, eh.”
     “Pero naniniwala ka nga?”
     “Hindi. Kasi naniniwala ako na lahat ng bagay ay puwedeng maulit kung gugustuhin.”
     “Kung sabagay... Pero ako, wala na yata akong pag-asang maulit pa ang mga bagay na gusto kong ulitin,” malungkot niyang pahayag.
     “Bakit naman?” Kunot-noong tanong tanong ko.
     “Dahil... dahil wala na akong panahon...” Tumingin siya sa punong lumililim sa inuupuan niyang di-kahabaang upuang kahoy. “Nakikita mo ba ang narra na 'to? Unti-unti nang nauubos ang mga dahon nito... nalalagas... Kasabay siguro ng paglaglag ng pinakahuling dahon nito ay ang pagkawala ko...” nangingilid ang luha sa mga matang sabi niya.
     “Ano ba'ng sinasabi mo? Ba't ka nagsasalita ng ganyan?” nagtataka kong tanong. Naguguluhan ako.
     May pumatak na tubig sa braso ko mula sa itaas. Tumingin ako sa pinagmulan niyon. Nagsisimula nang pumatak ang ulan.
     “Umaambon na. Ihahatid na kita sa inyo,” yaya ko sa kanya.
     “Dito lang ako. Kung gusto mo, mauna ka na. Gusto kong magpabasa sa ulan. Baka ito na ang huling ulan na makita at mararamdaman ko... Kaya dito lang ako.”
     “Ano ba 'yang sinasabi mo? Hindi ako papayag. Ihahatid na kita. Tara na.”
     Bumuhos na ang malakas na ulan. Hinila ko siya pero ayaw niyang sumama.
     “Bitawan mo ako. Pabayaan mo ako.”
     “Ayoko. Baka magkasakit ka sa ginagawa mong 'to. Ano ka ba? Hindi mo ba nararamdaman? Nag-aalala na ako sa 'yo.”
     “Bakit?”
     “Dahil... mabuti kang tao. Dahil dapat lang na alalahanin ka. Dahil... dahil... dahil... m-mahal kita!” Totoo iyon. Mahal ko siya. Noong una ko pa lang siyang nakita sa lugar ding ito, mahal ko na siya. At tama lang na malaman niya iyon ngayon. Ito na ang tamang panahon kahit na alam kong mabilis.
     Namilog ang mga mata niya sa sinabi ko. “Hindi... hindi mo ako puwedeng mahalin! Hindi mo ako kilala.”
     “Alam kong mabuti kang tao.”
     “Masasaktan ka lang 'pag minahal mo ako. Sasabihin mo sa sarili mo na... na sana hindi mo na lang ako nakita. Na sana hindi mo na lang ako nakilala.”
     “Puwes, ako ang hindi mo kilala! Hindi ako gano'ng tao. Basta ang alam ko mahal kita. At 'yon... 'yon ang mahalaga.” Hindi ko na napigilan ang damdamin ko. Nasabi ko na ang nilalaman ng puso ko. At iyon ay tunay, totoo at wagas.
     Hindi halata ang mga luhang dumaloy mula sa mga mata namin dahil sa ulan.
     “Hindi mo nga ako puwedeng mahalin,” pagdiriin niya.
     “Bakit?... Bakit?”
     “Dahil hindi puwede.” Humakbang siya palayo sa akin.
Pero nadakip ng palad ko ang palad niya.
     “Pabayaan mo ako.”
     Hindi ko siya binitawan. Sa halip, pinaharap ko siya at bigla kong idinikit ang mga labi ko sa mga labi niya. Nabitawan niya ang hawak niyang gitara na katulad ng ulan ay naging saksi rin nang mga sandaling iyon. Nagpupumiglas siya pero hindi ko itinigil ang ginagawa ko. Hindi ko alam kung bakit nagagawa ko ito. Marahil ay dahil sa sobrang pagmamahal ko sa kanya.
     “Mahal kita,” sabi ko nang itinigil ko na ang ginawa ko sa kanya.
     Isang palad niya ang dumapo sa pisngi ko. Naiintindihan ko kung bakit niya iyon ginawa. Hindi ako nasaktan sa ginawa niya dahil inihanda ko na ang sarili ko sa puwedeng gawin niya sa akin pagkatapos ng ginawa ko.
     Hinayaan kong tumulo ang luha mula sa mga mata ko habang tinitingnan ko siya palayo bitbit ang kanyang gitara. Ang mabilis niyang paghakbang ay unti-unting bumabagal. Maya-maya ay tumigil na siya at sinapo niya ang kanyang sentido. Kaagad ko siyang nilapitan. At bago siya bumagsak sa sementadong daan, mabilis ko siyang nasalo.


DITO pala siya pinanganak sa bayan namin. Isang taon siya nang lumipat sila sa Maynila at bumalik lang dito noong nakaraang linggo dahil sa isang nakakalungkot na dahilan na hindi sinabi sa akin ng tiyahin niyang kausap ko ngayon. Ulila na rin siya sa ama't ina. Lumubog daw ang sinasakyang barko ng mga ito noong pabalik ang mga ito sa Maynila mula sa pagbabakasyon sa probinsiya na hindi siya kasama.
     Pero nang lumabas ang doktor mula sa kuwartong kinaroroonan niya, narinig kong sinabi nito sa tita niya na malala na siya... malala na ang sakit niyang leukemia. At anumang oras daw ay... hindi! Hindi 'yon puwedeng mangyari sa kanya. Hindi ko 'yon makakaya.
     Diyos ko... Diyos ko... Tulungan Mo po siya... Kayo lang po ang makakaligtas sa kanya. Panalangin. Iyon lang ang tanging magagawa kong tulong para sa kanya.


“KUMUSTA ka na?” bati ko sa kanya nang umagang iyon nang dinalaw ko siya.
     “M-mabuti... n-naman,” nanghihina niyang wika.
     Mangiyak-ngiyak ako nang makita ko siya kanina nang pumasok ako dito sa kuwarto ng hospital kung saan naroroon siya. Putlang-putla siya at nanunuyo ang kanyang mga labi. Nanlalalim ang kanyang mga mata at tila gustong pumikit palagi. Hindi ko magawang tingnan siya. Ayoko siyang makita nang ganito. Naaawa ako sa kanya. Sana ako na lang ang nasa kalagayan niya.
     Pero hindi ko kayang huwag siyang tingnan. Hindi ko kayang huwag siyang lapitan. Hindi ko siya matiis. Dahil mahal ko siya. Mahal na mahal ko siya.
     “Magpagaling ka, ha?” Hindi ko na napigilan ang sarili ko na umiyak. “Kaya mo 'yan.”
     Ngumiti siya. Alam kong pinipilit lang niyang ngumiti para ipakita sa akin na mabuti siya pero hindi maitatago ng mga mata niya ang tunay niyang nadarama.
     “G-gusto ko s-sanang g-gumaling... k-kung p-papayagan ako ng Diyos. Alam mo k-kasi pinapaubaya ko na lang ang lahat sa Kanya.”
    “Sssh... Huwag ka nang magsalita. Hindi makabubuti sa 'yo.”
     “S-salamat at dumating ka. G-gusto ko sanang t-tulungan mo ako. Pumunta tayo doon sa lagi kong pinupuntahan.” Alam kong sa ilalim iyon ng punong narra malapit sa plaza.
     “Pero hindi ka pa puwedeng lumabas.”
     “Tutulungan mo naman ako, 'di ba?”
     “Oo. Pero hindi ka pa magaling,” nag-aalala kong sabi.
     “G-gusto kong maglakad kahit dahan-dahan lang h-hanggang sa makarating tayo do'n...”
     “Hindi. Bubuhatin kita papunta ro'n. Mahihirapan akong makita ka na naglalakad.”


NANG marating namin ang gusto niyang puntahan, hiniling niya na paupuin ko siya sa upuang nasa ilalim ng puno. Tumabi ako sa kanya. Niyakap niya ang sarili niya habang tumitingin sa paligid. Nilalamig siya kaya tinanggal ko ang suot kong polo at inilipat sa kanya. Ang panloob kong T-shirt ang naiwan bilang pang-itaas ko. Ngumiti siya at nagpasalamat sa akin. Hindi lang doon pati na rin sa lahat ng mga ginawa kong kabutihan sa kanya. Sabi ko, walang anuman iyon sa akin.
     “Tingnan mo ang puno. K-kaunti na lang ang mga dahon nito...”
Naalala ko ang sinabi niya tungkol doon. Ayoko iyong isipin.
     “Ang ganda talaga rito, ano? Tahimik, payapa... Kaya ba gusto mo rito?”
     Hindi siya sumagot. “Puwede ko bang hiramin ang balikat mo?” sabi niya maya-maya.
     Walang sabi-sabing isinandal ko ang ulo niya sa balikat ko nang dahan-dahan.
     “Ganitong lugar ang gusto kong puntahan. At malapit ko na 'yong marating...”
     “'Wag kang --”
     “Maraming salamat. N-nagpapasalamat uli ako sa 'yo. A-ano nga pala ang p-pangalan mo?”
Inilahad ko ang kamay ko. “Jeremy...”
     “Ako si Angela...” Nakipagkamay siya sa akin. Hindi kami nagtitinginan. Sa kamay naming magkahawak ako nakatingin. Maging siya.
     Ang lambot ng kamay niya. Gusto kong hawakan ito nang matagal pero sandali lang ay hindi na nito pinipisil ang kamay ko tulad kanina. Ang akala ko ay bibitaw na siya kaya bibitaw na rin sana ako. Pero hindi naman siya bumibitaw. Pinisil ko uli ang kamay niya pero hindi na ito gumaganti. Parang wala na itong lakas. Parang maging siya, ang buo niyang katawan ay wala na ring lakas.
     Tumingin ako sa kanya. Nakapikit na ang mga mata niya habang nakasandal pa rin sa balikat ko. Doon ako nagsimulang kabahan. Ginising ko siya. Baka nakatulog lang siya. Pero ayaw niyang gumising...
     At maya-maya lang ay may isang dahong nahulog sa buhok niya.


DEAR DIARY,
     May nakita akong lalaki sa may di-kalayuan na kanina pa         nakatingin sa akin habang nagbabasa ako ng libro ni Sidney Sheildon.Hindi ko alam kung ano ang balak niya sa akin. Hinayaan ko lang siya. Pero maya-maya lang habang naglalakad ako pauwi, may sumunod sa akin. Pinatigil ako nito. Nang lumingon ako, siya ang nakita ko. Ang lalaki kanina. Pakiramdam ko at alam ko na gusto niyang malaman ang pangalan ko. Pero mukhang nahihiya, eh. Tinarayan ko nga. Paliguy-ligoy pa kasi. Nadagdagan pa yata ang hiya niya dahil sa ginawa ko. Pinatuloy niya ako sa paglalakad nang hindi nagagawa ang gusto niya. Pero alam mo, may naramdaman akong kakaiba nang makita ko siya. Mas bumilis ang pagtibok ng puso ko nang makita ko siya nang harapan. Aaminin ko na nga, na-love-at-first-sight ako sa kanya. Ano kaya ang pangalan niya?


     Iyon ang nakasulat sa huling pahinang sinulatan niya sa kanyang talaarawan. Binigay sa akin iyon ng tita niya. At hindi ko mabilang kung ilang beses ko na iyon nabasa.
     Hindi ko alam kung kailan ako huling ngumiti, tumawa at humalakhak simula noong mawala siya. Ang bilis talaga ng panahon. Isang taon na rin ang lumipas. Pero nang mabasa ko uli iyon, muling sumilay ang ngiti sa mga labi ko. At alam kong ngingiti na ako sa susunod pang mga araw dahil tanggap ko na na wala na siya.
     Sigurado akong masayang-masaya siya ngayon dahil narating na niya ang lugar na pangarap niyang puntahan. Masaya na rin ako dahil nakilala ko ang babaeng mahal ko at mahal din pala ako kahit sandali lang kaming nagkasama. Ang sandaling panahong iyon ay walang wakas para sa akin dahil hindi ko siya kakalimutan kailanman. Sa puso ko, mananatili siyang buhay habampanahon.

 


Add as favourites (6) | Quote this article on your site | Views: 421

Comments (2)
1. 05-03-2007 22:26
 
:sigh waaa.. typical sad love story... :cry
Guest
 
ShaoZaltais
2. 07-03-2007 12:15
 
thank's for the comment! :) ;) :cry
Guest
 
marK007

Only registered users can write comments.
Please login or register.

Powered by AkoComment Tweaked Special Edition v.1.4.6
AkoComment © Copyright 2004 by Arthur Konze - www.mamboportal.com
All right reserved

 
 Image Image Image
ImageImage