|
src="http://pagead2.googlesyndication.com/pagead/show_ads.js">
..
COLLEGE na ‘ko! Natapos ko na rin ang ‘di malilimutang high school. Ang saya ng pakiramdam ko nang mga sandaling ‘to. Unang araw ng klase. Unang araw ng bago kong pakikipagsapalaran sa isang malawak na university dito sa Maynila. Unang araw rin ng bago kong pakikipagharap sa anumang hamon na mararanasan ko dito. Unang araw ng bagong buhay bilang isang baguhang estudyante sa kolehiyo. Makikilala ko na ngayon ang mga magiging kaklase ko, ang mga magiging professor ko, ang mga bagong taong magiging bahagi ng makulay kong buhay. Papunta ako sa aming departamento habang nakangiti kong tinitingnan ang paligid nang maramdaman ko ang pag-vibrate ng naka-vibrate mode kong cellphone. Si Daddy! “Yes, Dad, hello?” Tinanong niya kung kumusta naman ang unang araw ko sa university. “Okey naman po,” sagot ko. Nang tanungin ko kung ayos lang ba ang kalagayan niya roon, okey naman daw. Tinanong niya rin kung may mga bagong kaibigan na ba ako. “Wala pa nga po, eh. Papunta pa lang po ako sa department namin.” Sabi ni Daddy, mag-aral daw akong mabuti. ‘Wag daw ako masyadong magbabarkada at ‘wag daw muna akong magkaka-girlfriend dahil gastos lang daw ‘yang mga babae. “Okey, Dad, ah…” Sinabayan ko pa ‘yon ng tawa. Nagpaalam na kami sa isa’t isa pagkatapos. Woman-hater ‘yang si Daddy. Oo, tama, galit siya sa mga babae. Pa’no kasi si Mommy, iniwan kami at sumama sa lalaking gusto nina lolo’t lola para sa kanya. Ayaw ni Mommy na ‘wag siyang bigyan ng mana kaya sinunod niya ang dalawa. Hindi naman niya ako p’wedeng isama kahit gusto niya dahil ayaw nina lolo’t lola sa ‘kin. Anak daw ako sa pagkakasala. Nagmamahalan sina Mommy at Daddy pero ‘di kayang ipaglaban ng una ang huli. Naghiwalay sila at hindi natuloy ang minimithi nilang kasal. Ngayon ay kasal na si Mommy sa lalaking ‘yon at nag-migrate na sila sa States. Totoong si Mommy ang may kasalanan sa nangyari sa kanila ni Daddy. Pero kahit nagkagano’n, mahal ko pa rin si Mommy dahil utang ko sa kanya ang buhay ko at dahil sa simple pero makahulugang dahilan na siya ang aking ina. At s’yempre, utang ko rin ang buhay ko kay Daddy. Nasa Saudi siya ngayon. Nag-OFW para makapag-aral ako sa kolehiyo. Mula pa noon ay siya na ang nag-alaga at nag-aruga sa ‘kin. Ang nagpatapos sa ‘kin mula sa kindergarten, prep, elementary at high school. Malaking-malaki talaga ang utang na loob ko sa kanya. Kaya naman gagawin ko ang lahat-lahat nang makakaya ko upang makapagtapos sa college at matulungan siya pagdating ng panahon. Mahal ko ang Daddy ko, mahal na mahal. Paakyat na ako sa Department of Arts and Sciences habang inilalagay ang cellphone ko sa bulsa ng aking pantalong maong. Laking gulat ko nang may isang babaeng biglang yumakap sa ‘kin. Nahaplos ko tuloy ang mahaba at diretso niyang buhok. Napakalambot. Parang baby ang amoy niya nang sumagi sa ilong ko ang kanyang pabango. Nang magkatinginan kami, parang nahihiya pa siya dahil siguro sa kanyang nagawa sa ‘kin. ‘S-sorry, ha… Busy kasi ako sa pagti-text, eh. ‘Tuloy nagkamali ako ng pagtapak sa hagdan.” Ang lambing ng tinig niya. Kasingganda ng pisikal niyang anyo. Sabi ko, okey lang. Ang lagkit ng pagkakatitig ko sa kanya. Para bang na-magneto niya ako. At ang tibok ng puso ko, ang bilis, ang lakas ay naririnig ko na. Ngayon ko lang naramdaman ‘to. Hindi ko maipaliwanag. Siya pala si Nina. Pareho kami ng departamento pero magkaiba ng kursong kinukuha. Psychology siya, Mass Communications naman ako. Pagkalipas ng dalawang buwan, kahit alam kong ayaw ni Daddy, nagkaroon ako ng girlfriend. At si Nina nga ‘yon. Hindi naman alam ‘to ni Daddy at hinding-hindi niya ‘to malalaman. Ito ang unang beses na sinuway ko siya. Bahala siya. Mapipigilan ko ba ang puso ko? Hindi, ‘di ba? Ang sarap kaya ng may ka-holding hands while walking, ng may naaangking-labi sa mga pribadong lugar. Ganyan pero ‘yan ang totoo. Araw ng Sabado, kinagabihan, pumunta kami ng barkada sa isang bar kasama ang kanya-kanya naming girlfriend. Partner-partner kami. Nagsolo kami ni Nina sa isang sulok. Dahil sa nalasing na ‘ko, hindi ko na alam ang mga nangyari. Nagising na lamang ako kinabukasan sa isang kuwarto na nakadapa sa isang malambot na higaan na tanging ang isang malambot ring sapin ang nakatakip sa walang anumang saplot kong katawan. Tulad ng katabi kong si Nina na mahimbing na natutulog habang nakayakap sa akin. Simula noong naging barkada ko sina Tom, Arman, Leo at Dong, maraming bagay na akong natutunan. Mga bagay na sa tingin ko ay ‘di ko dapat na ginagawa dahil ang mga ‘yon ay alam kong masasama. Tulad ng pag-iinom ng alkohol, paninigarilyo. Hindi naman kasi ako dating ganito. Hindi ko gawain ang mga ’yon. At hindi ko nakikita ang sarili ko na ginagawa ang mga ‘yon. Kasama na rin doon ang paghihithit na naging dahilan kung bakit ako hiniwalayan ng babaeng mahal ko. Oo, naghiwalay na kami ni Nina dahil nahuli niya ako sa aktong ginagawa ‘yon sa likod ng gym ng university. Almost five months din kami. At ang lahat ng mga masasamang gawaing ‘yon ay maraming beses ko pang naulit. Diyos ko, ano ba ang nagawa ko? Si Daddy, kawawa naman siya. Ngayon ko lang na-realize… Ngayon ko lang talaga na-realize. Kung ‘di pa ako pumunta sa tahanan Mo ngayon, ‘di ko maiisip ang mga kasalanang nagawa ko. Patawarin po Ninyo ako… Nagkamali ako sa sarili ko at kay Daddy. ‘Wag Mong sabihin ‘to sa kanya, please… ‘Wag Mong sabihin kay Daddy. Gumaan ang buo kong pagkatao paglabas ko ng simbahan. Pakiramdam ko kasi, pinatawad na ako ni Lord at tinitiyak kong hindi Niya sasabihin kay Daddy ang mga kasalanan kong ipinagtapat sa Kanya. Ang dami-dami ko kasing ginawang mali. Dagdagan pa ng pagliban ko sa mga klase ko kaya halos lahat, hindi, lahat na ng subjects ko ngayong second semester, dropped na. Malayung-malayo sa mga grades ko noong unang semestre. Lumala ako ngayon. Pa’no ko ‘to sasabihin kay Daddy? Hindi ko rin siya sinunod dahil Architecture ang pinapakuha niya sa ‘kin. Mass Com naman ang inenrol ko. Ayoko kasi ng una, eh. Gusto ko yatang maging tulad ni Noli de Castro. Nakakainis! Gusto kong ibunggo ang ulo ko sa pader… hanggang sa dumugo at mabiyak ito. ‘Di ko na alam kung ano ang gagawin ko…
JIMMY ANTHONY P. MARTINEZ June 17, 1987 - December 21, 2004 Iyon ang nakasulat sa lapida kung saan sa tapat niyon ay nilagay ni Ginoong Martinez ang isang pumpon ng bulaklak. Alay para sa namatay niyang anak. Umuwi siya galing Saudi para sa pinakamamahal, nag-iisa at solong anak niyang lalaki. Gusto niyang makasama ito ngayong araw ng pasko, makasalo sana ito kagabi sa Noche Buena. Nakakalungkot, masakit isipin. Halos hindi na mapigilan ang sunud-sunod na pagpatak ng mga luha ni Ginoong Martinez. Hindi niya kasi inakalang magagawa iyon ng mabait niyang si Tonton. Tonton ang palayaw ng anak niyang si Jimmy. Handa naman niya sanang patawarin ang anak kung sinabi lang nito ang totoo sa kanya. Hindi na sana nito ginawa ang pagbigti ng sarili sa silid nito sa boarding house pagkatapos maisulat ang suicidal note na iyon kung saan nakasulat ang mga kasalanang nagawa nito at isang makabagdamdaming “I’m sorry, Dad…”. Dahil alam niya, na lahat naman tayo ay nagkakamali. Kung ang Diyos nga ay pinatawad tayo sa ating mga kasalanan, siya pa kaya na tao lang. Napakasakit talagang isipin na kasamang nabaon sa puntod ng kanyang anak ang mga pangakong hindi natupad, ang mga panaginip na hindi nagkatotoo at ang mga pangarap na hindi naabot. Pero ano pa nga ba ang magagawa ng isang ama kundi ang tanggapin kung ano ang nangyari tulad ng pagtanggap na niya sa nangyari sa kanila ng asawa. Sapagkat ang nangyari ay nangyari na. Add as favourites (9) | Quote this article on your site | Views: 468
Only registered users can write comments. Please login or register. Powered by AkoComment Tweaked Special Edition v.1.4.6 AkoComment © Copyright 2004 by Arthur Konze - www.mamboportal.com All right reserved |