|
“Gusto kong titigan ka mula ngayon. Ilililok ko ang mukha mo at ang buo mong pagkatao sa puso’t isip ko.”
Napapikit siya habang dinadama ang nakakaantig-damdaming musika mula sa pianong pinatutugtog niya. Beethoven’s Sonata #14, Moonlight Sonata. Iyon ang paborito niyang tugtugin na pieza sa piano. Hindi niya maiwasang umiyak habang tinutugtog ito. Hindi niya pansin ang isang binatang papalapit sa kanya. “Heto’ng panyo,” sabi nito sabay abot sa kanya ng nasabing bagay. Nagulat siya. Napatigil siya sa ginagawa. Nilingon niya ang lalaki at mahinhing inabot ang panyo. “S-salamat,” aniya at maingat na idiniin ang panyo sa mga mata. “Bakit ba palagi kang umiiyak ‘pag pinapatugtog mo ang piezang ‘yan?” tanong ng lalaki. “P-pa’no mo nalamang...?” takang tanong niya. “Ah, dito rin ako nakatira sa subdivision na ‘to. Kalilipat lang namin last month. ‘Pag umiikot ako dito, tulad ngayon, lagi kitang naaabutang tumutugtog dito sa garden n’yo. Matagal ko nang balak na pumasok dito at bigyan ka ng panyo at s’yempre para makilala ka pero nahihiya ako. Ngayon lang ako nagkaroon ng lakas ng loob,” paliwanag nito. “Gano’n ba? W-wala… kasi may naaalala lang ako ‘pag pinapatugtog ko ang piezang ‘yan.” “Gusto mo ba’ng laging umiiyak?” “Hindi. Bakit?” “’Yon pala, eh. Ba’t mo laging tinutugtog ang piezang ‘yan?” “S-sino ka ba? Ba’t ka nakikialam?!” medyo mataas na ang boses niyang tanong. “I’m sorry… Pasens’ya na kung matanong ako. Jack…” pagpapakilala nito sabay lahad ng kamay. “Adelle…” Nagkamay silang dalawa. Katahimikan ang namagitan sa kanila habang nakatingin sa kanya ang lalaki. Parang ayaw na nitong bitawan ang kamay niya. At parang ayaw na rin nitong iiwas ang mga mata sa kagandahan niya. “Heto na pala ‘yong panyo mo,” pagbasag niya sa katahimikan. “H-hindi… sa ’yo na ‘yan.” “Bakit?” “Walang dahilan. Basta, sa ’yo na ‘yan. Itago mo kung ayaw mong gamitin.” “Salamat,” tanging nasabi niya. Hindi na siya tumanggi. “Gusto mong sumama sa ‘kin?” yaya nito. “Sa’n?” “Iikot tayo sa buong subdivision! Iaangkas kita sa dala kong bike. Gusto mo?” Umiling siya. Biglang nalungkot ang tuwang-tuwa kaninang lalaki. “Ayoko. Baka biglang dumating si ate. Pagagalitan ako no’n. Parating na ‘yon galing sa trabaho. At ang isa pa, ‘di kita kilala. Malay ko ba kung…” “Magtiwala ka sa ‘kin. ‘Di ako masamang tao. S-sandali lang tayo!” Ayaw niya talaga. Pero may bumubulong sa kanya na tanggapin ang alok nito. Mabuti na lang at nasabi niya ang pagpayag niya sa sarili bago ito nagdesisyong umalis. Masayang kasama si Jack. Iyon ang napansin ni Adelle sa mga oras na kasama niya ang lalaki. Pinapatawa siya nito kapag napapansing malungkot siya. Hanggang makabalik na sila sa bahay nila. Inabutan nila doon ang isang nakapamewang na babae. Maingat na inihinto ni Jack ang bisekleta at bumaba siya mula sa unahan. Pabulong na sinabihan niya ang lalaki na umalis na. “Hindi, sasabihin kong pinilit kita, na ako ang may kasalanan,” bulong rin nito. “’Wag na… ako’ng bahala. Sige na…” Sinunod na lang siya nito. Kitang-kita na nag-aalala ito sa kanya habang dahan-dahang umaalis. Walang-awang hinila ng ate niya ang mahaba niyang nakalugay na buhok. Tuluy-tuloy iyon hanggang sa narating nila ang attic room. Nasasaktan siya. Tinulak pa siya nito sa isang sulok ng kuwartong iyon. “’Di ba ang sabi ko, ‘wag kang makikipag-usap sa sinumang lalaki?! At sumama ka pa! Sinuway mo ‘ko!” Lumabas ito at pabagsak na isinara ang pinto. Narinig niya ang tunog ng mga nagbabanggaang susi. Ikinandado nito ang kuwartong pinaglagyan sa kanya. Sunud-sunod ang pagtapik niya ng pinto. “Ate! ‘Wag mong gawin ‘to sa ‘kin!” Umiyak siya nang husto. Labis siyang nagmamakaawang palabasin sa silid na iyon pero labas sa kabilang tenga ng ate niya ang mga salitang lumalabas mula sa bibig niya nang mga sandaling iyon. Pondido pa naman ang ilaw sa silid na iyon kaya nang lumubog ang araw at lumalim ang gabi’y ‘di siya makatulog dahil takot siya sa dilim. Tahimik na lang niyang iniyak ang nararamdamang takot. Pati na ang inis sa sarili dahil hindi niya kayang magrason sa ate niya, hindi niya kayang ilabas ang sarili niyang desisyon sa harap nito. Isang lingo nang pabalik-balik si Jack sa bahay nila Adelle pero hindi niya nakikita ang dalaga na nagpapatugtog ng piano sa garden ng mga ito tulad ng inaasahan niyang makita sa tuwing dumadaan siya doon. Maganda ang tanawing iyon para sa kanya. Isa iyon sa mga nagbibigay inspirasyon sa kanya para mabuhay araw-araw at nasasabik siyang makita iyon sa tuwing magigising siya sa umaga. Kasabay kasi ng pagpapatugtog nito ang pag-ihip ng sariwang hangin at ang paghampas niyon sa magagandang bulaklak sa hardin at ang masayang paglipad ng mga paruparu sa paligid. Hindi na siya makapaghihintay na iyon ay muling makita ng mga nasasabik niyang mga mata. Paalis na siya nang may marinig siyang sunud-sunod at malakas na ingay sa taas ng bahay. Alam ni Adelle na nasa labas si Jack. Kitang-kita niya ang guwapong mukha nito mula sa maliit na bintanang iyon. Matagal na niyang gustong mag-ingay sa taas upang makaagaw sa pansin nito pero nakaramdam siya ng hiya nitong mga nakaraang araw. Lalo pa’t kakakilala lang niya sa lalaki. Ngayon lang siya nagkaroon ng lakas ng loob. Gusto na niya kasing makalabas. Isinigaw niya ang pangalan nito habang nakadungaw sa maliit na bintana. Nang makita siya nito, agad itong gumawa ng paraan upang makalapit sa kanya. Umakyat ito sa gate at naghanap ng matulis na bagay upang mabuksan ang naka-locked na pinto ng bahay. Wala itong makita. Mabuti na lang at may naitago siyang hairclip sa bulsa. Itinapon niya iyon sa bintana at kinuha iyon ng lalaki. Pagkatapos ng ilang minuto, nakarating na ito sa kinaroroonan niya. Napayakap siya rito sa sobrang tuwa. Umiyak siya sa balikat nito. Medyo nagulat ito at maging siya’y nagulat rin sa kanyang ginawa. Pero parang nakalimutan na niya iyon nang gantihan siya nito ng yakap. “Salamat…” bulong niya. “Tahan na…” parang baby siyang pinapatahan nito. Nararamdaman niya ang dahan-dahang paghaplos nito sa malambot niyang buhok. Nang kumalas siya sa pagkakayakap dito, maingat siya nitong pinaupo sa kama. Umupo ito sa tabi niya. Muli siyang nagpasalamat dito habang inaalis niya ang luha sa kanyang mga mata, gamit ang asul na panyong ibinigay nito. “Ayaw ni ate na makipag-usap ako o makipagkita sa sinumang lalaki,” nagsimula na siyang magkuwento tungkol sa nangyayari. “Nakatatlong boyfriend na siya at lahat sila ay niloko ang ate ko kaya galit na galit si ate sa mga lalaki. Naiintindihan ko naman s’ya. Pero dapat hindi n’ya ako pinaparusahan nang dahil do’n. May sarili rin akong buhay, may sarili rin akong desisyon, mga pangarap… Sana man lang irespeto n’ya ang mga ‘yon.” Hindi niya uli napigilang umiyak. “Kakausapin natin s’ya. Kasama mo akong kakausap sa kanya. Kakampi mo ‘ko. Tutulungan kita. Tahan na…” “’Wag… hayaan na lang natin s’ya.” “Ano’ng hayaan? ‘Di p’wede ‘yon. May karapatan ka. Kung hahayaan mo s’ya, pa’no ako makakapanligaw sa ‘yo?” “A-ano’ng ibig mong sabihin?” “Mahal kita, Adelle. Simula pa no’ng una kitang makita.” Tumayo ito sa harap niya. “Alam mo ba no’ng una kitang nakita, habang tumutugtog ka ng piano, habang pinapatugtog mo ang piezang ‘yon, naamoy ko ang isang kakaibang bango. Napakabango, masarap sa ilong. No’n ko lang naamoy ang gano’ng klaseng bango. Pakiramdam ko dahan-dahang nangyayari ang lahat habang hinahampas ng hangin ang buong paligid at ang malambot mong buhok. Nang mga sandaling ‘yon, narinig ko ang mabilis na pagtibok ng puso ko. At simula no’n, umibig na ako sa ‘yo.” Ang sarap pakinggan ng mga salitang iyon. Napangiti siya ng lihim pero bigla ay nagbago ang reaksiyon niya. Naiisip niya ang gagawin ng ate niya kapag… Naiisip pa lang niya iyon ay parang gusto na niyang mahimatay. Sabi ng puso niya, marahil ang lalaking nasa harap niya ngayon ang para sa kanya, ang nakatakda para sa kanya. Ngumiti siya uli at inihanda ang sarili upang magtapat rin dito ng nararamdaman. Pero bigla ay nakaramdam siya ng pagkahilo. Bago pa siya natumba ay nasalo na siya ng matitipunong brasong iyon. Nagising siya na ang unang nakita ay ang mukha ni Jack. Lihim siyang natuwa doon. Pero nang makita niya ang nakakatandang kapatid sa bandang kaliwa niya’y nakaramdam siya ng kaba. Pero bakit hindi ito nagagalit? Bakit umiiyak ito? “I’m sorry, Adelle,” anito. “Patawarin mo ako.” “A-ate… wala kang kasalanan. Ako pa nga ang dapat na magpasalamat sa ‘yo dahil ikaw ang naging ama’t ina ko simula nang maulila tayo.” Napaiyak na rin siya. Napakababaw talaga ng luha niya. “Alam ko na… Alam na namin… Bakit mo itinago sa ‘kin ang napakaseryosong bagay na ‘to? I-ipinagtapat na ng doctor.” Lalong lumakas ang pag-agos ng luha mula sa mga mata niya. Alam na niya ang ibig nitong sabihin. “A-ayokong mag-alala ka sa ‘kin, ate. Alam kong nahihirapan ka na. Ayokong makadagdag. P-patawarin mo ‘ko, ate.” Umiyak na rin ang lalaki sa kanan niya. Alam niyang labis itong nasasaktan sa kalagayan niya ngayon. “B-bago ako mawala,” sa lalaki siya nakatingin. “gusto kong malaman mo na mahal din kita, Jack. Sa napakaikling panahon ng pagsasama natin, alam kong mabuti kang tao. Kung p’wede ko lang dugtungan ang buhay ko upang makasama ka pa nang matagal na matagal, araw-araw ay sasabihin ko sa ‘yong mahal na mahal kita. Pero ano’ng magagawa ko sa kagustuhan ng Nasa Taas? Gusto kong titigan ka mula ngayon. Ilililok ko ang mukha mo at ang buo mong pagkatao sa puso’t isip ko.” Walang salitang lumalabas sa bibig ng lalaki sa sinabi niyang iyon. Mahigpit lamang nitong hinawakan ang kamay niya habang patuloy na umiiyak. Dahil sa leukemia, isang buwan na lang ang nalalabing buhay ni Adelle. Sobrang nakakalungkot. Wala nang mapagsisidlan ng luha ang tatlong taong nasa loob ng hospital room na iyon.
Ika-dalawampu’t tatlong kaarawan ni Adelle ngayon. Tatlong buwan makalipas ang pagkamatay nito. Ipinagdiwang iyon nina Jack at Claire. Parang nagpi-picnic lang ang dalawa sa tabi ng puntod nito. Maya-maya’y dumating si Cholo, ang bagong boyfriend ni Claire pagkatapos ng tatlong taon. Naisip kasi ng ate ng may kaarawan na hindi lahat ng lalaki ay manloloko. Naisip nitong marahil nagmahal lamang ito ng hindi nararapat para rito at hiling nito na sana ay si Cholo na nga ang lalaking nararapat. Palubog na ang araw. Nagyaya nang umuwi ang magkasintahan pero ayaw pa ni Jack. Nauna ang mga ito. Nagpaiwan siya. Umupo siya sa harap ng pianong dinala niya na pag-aari ng nasirang kasintahan at saka pinatugtog ang piezang paboritong tugtugin nito. Beethoven’s Sonata #14, Moonlight Sonata. Naghirap siya sa pag-eensayo no’n. Matagal rin bago niya iyon nakabisado. Kasabay ng pagpapatugtog niya ng pieza, umihip ang napakasariwang hangin at naamoy niyang muli ang kakaibang bangong iyon. Maya-maya’y may dumapong paruparu na dilaw ang kulay sa takip ng piano. “Adelle…” bulong niya habang patuloy na tumutugtog. Maya-maya’y lumipad rin ito at sumama sa hangin. Sinabi niya sa sarili, Alam kong balang araw ay magkikita tayong muli, Adelle. ‘Pag dumating ang araw na ‘yon, sana maalala mo pa ako tulad ng ‘di ko paglimot sa ‘yo. Hintayin mo ako at sabay nating tutugtugin ang musikang ito at sabay nating aamuyin ang napakabangong amoy na dulot nito. Hindi na ako makakapaghintay na dumating ang araw na ‘yon. Sana’y hintayin mo ako kahit gaano pa ‘yon katagal.
-May pag-ibig na matatagpuan sa isang napakaikling panahon at ang pag-ibig na ‘yon ay ang pag-ibig na tunay at wagas. -Mark Aldeme Siladan
Add as favourites (2) | Quote this article on your site | Views: 350
Only registered users can write comments. Please login or register. Powered by AkoComment Tweaked Special Edition v.1.4.6 AkoComment © Copyright 2004 by Arthur Konze - www.mamboportal.com All right reserved |