Province News

More Rice for Antique Says NFA

Thursday, 17 July 2008 | Philippine Information Agency

San Jose, Antique – A shipment of 60,000 bags representing NFA’s allocation is expected to arrive soon to further boost rice suffiency in the province as part of the preparation for the lean months said OIC Engr. Geraldine H. Maghari.The latest inventory of the National Food Authority...
+ Full Story

More News
Letters In The Sky Print E-mail
Posted by Mark Aldeme Demetrio Siladan   

“Nasa isip ko s’ya ngayon. Ang maganda n’yang mukha at buo n’yang pisikal na anyo ay nakaukit na sa puso’t isip ko. Itinaas ko ang isa kong daliri at habang nakatingin sa kalangitan ay naisulat ko doon ang mga letrang “I LOVE YOU”... “

     Gusto kong lagi s’yang tingnan. Ang ganda talaga n’ya. Ang bilugan pero singkit n’yang mga mata ay talagang kaakit-akit. Ang ilong n’ya’y katamtaman lang ang tangos. Ang mga labi n’ya’y sadyang maninipis. Mahaba ang diretso at malambot n’yang buhok. Lahat ng ‘yon ay bagay sa kanya, bagay na bagay.
     Lalo s’yang gumaganda ‘pag nakikita ko s’yang suot-suot ang tunay n’yang ngiti. Kasing-liwanag ‘yon ng araw na laging nagbibigay-ilaw sa bawat umaga ng buhay ko. Basta, wala akong masabi sa t’wing nasisilayan ko ang kagandahan n’ya.
Pero kelan ko kaya s’ya makikilala at kelan rin n’ya ako mapapansin? Matagal ko na s’yang nakikita pero wala pa ring nangyayari. Ano kaya ang pangalan n’ya? Siguro maganda rin tulad n’ya. Sigurado. Siguro Andrea!... Charlene?... Kristine?... Hindi, Marianne siguro! Ah, ewan! Ang hina-hina ko kasi. Ba’t ‘di ko matanong kahit pangalan lang n’ya? ‘Pag nalaman ko lang talaga ang pangalan n’ya, ako na ang pinakamaligayang tao sa buong mundo. Tingin ko lang, maririnig hanggang sa pinakahuling parte ng daigdig ang pagsigaw ko ng “yes!”. Over na yata ako. Ah, basta malalaman ko rin ang pangalan n’ya.
     Gaya ng lagi kong nakikita, nakaupo na naman s’ya sa upuang nasa ilalim ng punong ‘yon na malapit sa daang palabas ng university. Pero hindi s’ya nagbabasa ng libro. Ngayon, may hinihintay na s’ya. Panay kasi ang tingin n’ya sa wristwatch n ‘ya at panay ang pag-text at missed call gamit ang pinakabagong model at usong cellphone ngayon. Wala akong pakialam kung sino man ang tinitext o mini-missed call n’ya. Naaaliw na ako sa tanawing nakikita ko sa mga sandaling ‘yon. Maingat na hinahampas ng hangin ang mahaba n’yang buhok. Pakiramdam ko s’ya ang hanging ‘yon na humahampas rin sa ‘kin, na yumayakap sa ‘kin ng buong higpit. Ipinikit ko ang aking mga mata at in-imagine na s’ya nga talaga ang hanging ‘yon.
     Sana nga s’ya talaga ang hanging ‘yon na buong pagmamahal na bumabalot sa buo kong katauhan. Pero hindi, eh. Hindi s’ya ang hanging ‘yon. S’ya ang hangin na nakatakdang yumakap sa iba. Tulad ng nakikita ko ngayong iminulat ko ang aking mga mata. Isang lalaki ang kayakap n’ya. ‘Yon na siguro ang hinihintay n’ya kanina pa. Boyfriend ba n’ya ‘yon? Siguro, oo. Kung ‘di n’ya boyfriend ‘yon, ba’t s’ya hinalikan sa pisngi at sa… labi?
Kung kanina’y aliw na aliw ako sa tanawing nakikita ko, ngayon hindi na. Nasasaktan ang puso ko. Parang biniyak ito ng pinakamatalas sa lahat ng pinakamatalas na kutsilyo at parang hinati ng matalim na matalim na kidlat.
     Hindi ako pumasok sa first subject ko… sa second… sa third… hanggang sa last subject. Buong hapon akong nagbabad sa library at doon pinalipas ang sakit na nararamdaman ng puso ko. Hiling ko, sana ‘di ko na lang nakita ‘yon. Tuloy, naging malungkot ang masisigla ko kaninang mga mata.
Habang papalabas ako ng university, nasa isip ko pa rin ang nakita ko kanina. Hindi ko tuloy napansin ang isang dalagang makakasalubong ko kaya nabangga ko ito.
    “Ouch! P’wede ba, tumingin ka naman sa dinadaanan mo?! Galit itong nakatingin sa ‘kin. Ako nama’y nagulat nang makitang s’ya ang nabangga ko, ang dalagang lagi kong inaabangan at laging laman ng isip lalo na ng puso ko.
    “Oo nga naman, pare. Apat na nga ‘yang mga mata mo, ‘di mo pa rin makita ang dinadaanan mo!” tinutukoy ng kasama nito ang salamin sa malalabo kong mga mata. Tinuro pa ako ng lalaking humalik sa kanya kanina.
     Humingi ako ng pasens’ya at pinatawad naman n’ya ako pero ayaw pa ring tumigil ang kasama nito sa pagpapahiya sa ‘kin, sa sarili ko at sa kapwa naming mga estudyante.
    “Sa uli-uli, tumingin ka sa dinadaanan mo! Ayokong binabangga lang ng kung sino ‘tong girlfriend ko!”
     Pag-aari na nga s’ya ng lalaking ‘to! sabi ko sa sarili. Wala na yata akong pag-asa sa kanya. Mas g’wapo sa ‘kin ang lalaki, mas matangkad at mas maganda ang katawan. Wala na akong pag-asa… wala na…
    “Tama na, Mike! Hayaan mo na s’ya. ‘Di naman n’ya sinasadya, eh,” saway n’ya sa boyfriend n’yang Mike pala ang pangalan. “Sige na, tumuloy ka na,” sabi n’ya sa ‘kin. Masaya ako dahil ipinagtanggol n’ya ako. ‘Di ko naman talaga ‘yon sinasadya.
    “S-salamat,” sabi ko sa kanya at tumuloy na.
    “Oh, my God! I can’t believe it! Ipinagtanggol mo pa s’ya kesa sa ‘kin?!” narinig ko pang sabi ng lalaki sa kanya habang papalayo ako. Mga tatlong dipa na ang layo ko sa kanila.    
     "Mike, nag-sorry na ‘yong tao ‘Di na ‘yon mauulit, okay?” sabi n’ya.
    “Pa’no mo nasabi ‘yon?!” Galit na ang lalaki.
     Hindi ko na s’ya narinig na sumagot. Nang nilingon ko sila, padabog s’yang naglalakad palayo sa lalaki.
     Kinabukasan, sa lagi n’yang pinipuntahan, nakita ko s’yang umiiyak habang panay ang text at tawag n’ya sa kung sino. Siguradong sa boyfriend n’ya ‘yon. Marahil dahil sa nangyari kahapon. Hindi siguro sinasagot ng lalaki ang mga text at tawag n’ya.
     Gusto ko s’yang lapitan at patahanin. Pa’no ko nga ba gagawin ‘yon? Sa anong dahilan? Para ano? Sino ba ako sa buhay n’ya? ‘Di naman namin kilala ang isa’t isa. Bilang isang kaibigan? P’wede rin. Bahala na!
    “T-tama na ‘yan, ‘wag ka nang umiyak,” sabi ko sa kanya nang makalapit. Inabot ko sa kanya ang isang malinis na panyo. Inangat n’ya ang kanyang napakagandang mukha at tiningnan n’ya ako.
     Kumunot ang noo n’ya. Kinikilala n’ya kung sino ako. “I-ikaw?” tanong n’ya nang mapagsino ako. “Ikaw ‘yong nakabangga ko kahapon, ‘di ba?”
    “A-ako nga! B-bakit?”
     Inaasahan kong sasagutin n’ya ang tanong ko pero laking gulat ko nang sampalin n’ya ang kaliwa kong pisngi.
    “Nag-break kami ng boyfriend ko nang dahil sa ‘yo!” At padabog n’ya akong iniwan. Narinig ko ang mahina n’yang paghikbi.
     Habang hawak ko ang pisnging sinampal n’ya, hindi ko masyadong naramdaman ang sakit doon. Ang puso ko ang mas nakaramdam ng sakit. Tila ang puso ko ang s’yang sinampal n’ya.
SEMBREAK.
     Umuwi ako sa probins’ya namin sa Cebu. Malapit ang bahay namin sa isang beach resort kaya doon ako madalas nagpapalipas ng oras. Para rin makalanghap ng sariwang hangin dahil sa s’yudad parang puro usok na lang ang nalalanghap ko. Nakaka-miss rin kasi ang lugar na kinalakhan ko.
     Naka-fatigue pants lang ako na hindi pantay ang pagkakatupi ng magkabilang dulo, na kagagawan ko rin, habang naglalakad sa tabing-dagat. Nakasuksok ang kanan kong kamay sa kanang bulsa habang ang isa’y parang idinuduyan lang. Nakatingin ako sa paligid, sa magagandang nilalang ng Diyos. Hinahayaan ko lang na hampasin ng alon ang mga paa ko at kung naaabot man nito ang suot kong pantalon, pinapabayaan ko lang na mabasa ‘yon.
     Nang magsawa na ‘ko sa kakalakad, humiga naman ako sa buhangin. Ang mga palad ko’y nasa likod ng aking ulo. Nakabaluktot naman ang isa kong tuhod at ang isa’y nakadiretso lang. At ang mga mata ko’y nakatingin sa bughaw na langit at mapuputing ulap na kung mahahawakan lang ay parang bulak siguro sa lambot.
     Nasa isip ko s’ya ngayon. Ang maganda n’yang mukha at buo n’yang pisikal na anyo ay nakaukit na sa puso’t isip ko. Itinaas ko ang isa kong daliri at habang nakatingin sa kalangitan ay naisulat ko doon ang mga letrang “I LOVE YOU” at isang pahalang na guhit. Isang patlang na pupunan pa lang ng pangalan ng babaeng ‘yon na ‘di ko pa rin nakikilala hanggang ngayon.
     Habang naglalakad ako patungong cottage, naramdaman ko ang pag-vibrate ng cellphone ko sa bulsa ng pantalon ko. Isang missed call. Ang numero ay hindi naka-register sa phonebook ko. Sino kaya ‘to? Tinanong ko kung sino ‘yon sa pamamagitan ng pag-text.
     Elaine. Ikw?
     CHAD. PNO MO NLMN # KO?
     Hula ko lng. Klngn ko ng mssndln ngyon. Wl akng maashng kaibign ko s mga pnhong 2. Pwd k bng mging kaibign khit ngyon lng? Gs2 ko lng n mailbs ang sma ng loob ko.
     OK. SBIHIN MO LNG @ GGWIN KO ANG LHT NG MKKYA KO PRA M2LUNGN K.
     Sinabi nga n’ya ang problema n’ya. Nag-break daw sila ng boyfriend n’ya sa isang napakababaw na dahilan. Wala daw may kasalanan sa nangyari pero may kasalanan talaga ang lalaki kung iisiping mabuti. Nagalit ito dahil ’di daw n’ya ito ipinagtanggol. Sa halip, ang ipinagtanggol n’ya ay ang lalaking bumangga sa kanya.
     Napaisip ako saglit at nalaman kong ako ang tinutukoy ng babae. Ako ang lalaking bumangga sa kanya na ipinagtanggol n’ya. Ako nga ‘yon! Ako nga! Natuwa ako sa sinabi n’yang ‘di daw n’ya sinasadya ang pagsampal sa taong bumangga sa kanya. Kung makikita n’ya daw ‘yon uli ay hihingi siya ng sorry. Bumilis ang pagtibok ng puso ko sa sobrang saya at pananabik na makabalik uli ng university. Sana bukas ay second sem na. Ngayon, nagmamadali na ‘kong matapos ang sem break.


     Natapos ang sem break na hindi ko sinasabi kay Elaine ang totoo na ako na textmate n’ya ang lalaking tinutukoy n’ya na bumangga sa kanya. Ang tanging alam n’ya ay ako si Chad at sa university ring pinapasukan n’ya ako pumapasok. Hanggang ngayon ay tinitext namin ang isa’t isa. Araw-araw, nagbabatian, nagkukumustahan at nagpapadala ng mga quotes sa isa’t isa.


     Umpisa na naman ang klase. Nagkita na naman kami ng mga classmates ko sa Architecture. Nagmamadali akong mag-alas-tres. Ang oras kasing ‘yon sa hapon ay ang oras ng pagkikita naming muli ni Elaine na sa mga oras na ito siguro ay nasa College of Nursing. Malalaman na n’yang ang lalaking bumangga sa kanya at an textmate n’ya ay iisa. Ano kaya ang magiging reaksyon n’ya?
Natuwa s’ya nang malamang ako ang ka-textmate n’ya dahil naging masaya s’ya sa pagiging textmates namin. Nagkamay kami. Ang lambot ng kamay n’ya. Parang ayoko nang bitawan ‘yon.
    “Tanong ko lang, bakit ka nga pala nagtiwala agad sa ‘kin sa pagiging textmates natin?” tanong ko.
    “Kasi naramdaman kong mapagkakatiwalaan ka. Naramdaman ko agad na mabuti kang tao.”
    “Talaga?”
    “Oo. At naramdaman ‘yon ng puso ko…”
    “Elaine…”
    “Chad… Wala na kami ni Mike. At naniniwala ako na ang nangyaring ‘yon ay paraan ng Diyos para magkahiwalay kami. Two-timer s’ya! Kitang-kita ko silang dalawa,” umiiyak n’yang pagtatapat sa ‘kin. Napayakap s’ya sa ‘kin at ipinagpatuloy ang pagluha sa dibdib ko.
     Niyakap ko rin s’ya at hinaplos ang malambot n’yang buhok. “Tama na… A-ayokong nakikitang umiiyak ka, na nasasaktan… Ako ang mas nakakaramdam ng nararamdaman mong sakit dahil… dahil mahal kita, Elaine. Ikaw ang nag-iisang babaeng mamahalin ko habambuhay…”
Iniangat n’ya ng kanyang mukha at nagkatinginan kami. Pinahid ko ng aking hinlalaki ang luha n’ya.
   “Mahal din kita, Chad. At naniniwala akong ikaw ang lalaking para sa ‘kin,” bulong n’ya pero napakalakas ng pagkakarinig ng puso ko no’n.
    Sapat na sa ‘kin ngayon ang mabuhay dahil sa pag-ibig, sa pag-ibig na tunay at wagas. Anuman ang mangyari, si Elaine lang ang babaeng mamahalin ko. Hindi ako sisira sa pangako ko. Hinding-hindi.


SUMMER.
     Isinama ko s’ya sa probins’ya namin sa Cebu. Ipinakilala ko s’ya sa mga magulang ko at sa dalawa kong kapatid. Isang babae na sumunod sa ‘kin at isang walong taong batang lalaki na kumakant’yaw ngayon sa ‘kin. May girlfriend na daw si kuya n’ya. Tinatawanan lang namin lahat ‘yon.
     Dinala ko si Elaine sa beach resort na lagi kong pinupuntahan kapag gusto kong magpalipas ng oras. Naglakad kami sa tabing-dagat habang hawak ang kamay ng isa’t isa. Sa wakas, may kasama na akong maglakad sa tabing-dagat simula ngayon at pati na ang humiga sa buhangin. Hinubad ko ang polong suot ko at sinapin ‘yon sa likod n’ya. Sabay kaming tumingin sa kalangitan.
    “Alam mo, minsan naisulat ko sa bughaw na langit ang mga letrang “I LOVE YOU” at isang patlang pagkatapos no’n,” kwento ko sa kanya.
    “Bakit naman may patlang?”
    “Ang patlang na ‘yon ay pupunan ko sana ng pangalan mo. ‘Di ko pa kasi alam ‘yon no’n kaya patlang muna pansamantala. Pero ngayong alam ko na, pupunan ko na ang patlang na ‘yon.”
Itinaas ko ang aking daliri at sinulat sa kalangitan ang mga letrang “I LOVE YOU, ELAINE”.

 

 

 


     -Ang tadhana ang s’yang gagawa ng paraan upang magkalapit kayo kung kayo talaga ang nakatakda para sa isa’t isa.


                                                                               
                   
                                                                                                                                               -Mark Aldeme Siladan

 


Add as favourites (6) | Quote this article on your site | Views: 399

Comments (1)
1. 05-03-2007 14:46
 
FROM MY FRIEND "EMLYN" OF Q.C. : 
This is the story that I really like among the short stories na sinulat mo. Although sobrang bilis ng story, maganda pa rin yung kinalabasan. Bilib na bilib talaga aq s talent mo!!! Hehe... Kapag may iba ka pa naisulat send mo uli sa kin ha!! 
Guest
 
This e-mail address is being protected from spam bots, you need JavaScript enabled to view it

Only registered users can write comments.
Please login or register.

Powered by AkoComment Tweaked Special Edition v.1.4.6
AkoComment © Copyright 2004 by Arthur Konze - www.mamboportal.com
All right reserved

 
 Image Image Image
ImageImage